VOTER REGISTRATION, MULING BUBUKSAN PARA SA 2028 ELECTIONS

Muling bubuksan ng Commission on Elections o COMELEC ang pagpaparehistro ng mga botante simula Nobyembre 10,2026 hanggang Hulyo 30, 2027, bilang paghahanda sa 2028 National and Local Elections.

Layunin nitong mabigyan ng pagkakataon ang mga kwalipikadong mamamayan na makapagparehistro at makilahok sa susunod na halalan.

Ayon sa anunsyo, tatanggap ng mga aplikasyon mula Martes hanggang Biyernes, alas-otso ng umaga hanggang alas-sais ng gabi. Samantala, alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon naman tuwing Sabado at mga itinakdang holiday.

Maaaring magtungo ang mga aplikante sa Office of the Election Officer na nakakasakop sa kanilang lugar ng tirahan, mga itatalagang satellite at mall registration sites, gayundin sa pamamagitan ng Register Anywhere Program o RAP at Special Register Anywhere Program o SRAP.

Kabilang sa mga serbisyong maaaring iproseso ang pagpaparehistro ng mga first-time voter, paglilipat ng rehistro, reactivation ng voter registration records, pagbabago ng pangalan, pagwawasto ng impormasyon, at reinstatement ng mga rekord ng botante.

Saklaw din ng programa ang pag-update ng mga rekord ng Persons with Disabilities o PWDs, senior citizens, Indigenous Peoples, Indigenous Cultural Communities, at iba pang sektor na nangangailangan ng kaukulang serbisyo.

Kaugnay nito, hinihikayat ng COMELEC ang publiko na samantalahin ang panahon ng pagpaparehistro upang matiyak ang kanilang karapatang makaboto sa 2028 National and Local Elections. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments