VP Sara Duterte, naghain na ng petisyon sa SC hinggil sa kinakaharap na impeachment case

Kinumpirma ng Supreme Court Judicial Records Office na naghain ng petisyon sa Supreme Court (SC) si Vice President Sara Duterte kaugnay ng impeachment case laban sa kaniya.

Base sa kopya ng petisyon na natanggap ng SC, alas-9:00 ng umaga kahapon, February 18 nang ihain ang petition for certiorari and prohibition.

Kabilang sa mga respondent ng petisyon sina House Speaker Martin Romualdez, House Secretary General Reginald Velasco at Senate President Francis Escudero.


Nakasaad sa petisyon, iginigiit ng kampo ng bise presidente ang paglabag sa Konstitusyon ng proseso ng impeachment complaint laban sa kaniya.

Lumabag ang nasabing reklamo sa Section 3(5) ng Article 11 ng Konstitusyon o ang tinatawag na “One-Year Bar” sa paghahain ng impeachment.

Matatandaan na February 5 nang maaprubahan ang ika-apat na impeachment complaint kay VP Sarah sa Kamara matapos makakuha ng 215 na pirma mula sa mga mambabatas.

Facebook Comments