Wage Hike Bill, bigong maaprubahan ng Kongreso

Bigo ang Kongreso na maaprubahan ang isinusulong na dagdag na sahod para sa mga minimum wage earners sa pribadong sektor.

Sa huling araw ng sesyon ng 19th Congress ay hindi na naisalang sa bicameral conference committee ang magkaibang bersyon ng Senado at Kamara para sa dagdag na sahod at hanggang sa huli ay tumanggi rin ang Mababang Kapulungan na i-adopt ang ₱100 Daily Minimum Wage Hike Bill na unang inaprubahan ng Mataas na Kapulungan.

Sa manifestation ni Senator Migz Zubiri na siyang may-akda ng Wage Hike Bill sa Senado, malungkot niyang ipinabatid sa lahat ng mga manggagawa at minimum wage earners na ginawa ng Senado ang lahat para ipaglaban ang kanilang karapatan para sa dagdag na sahod.

Patuloy aniyang ipinipilit ng Kamara ang ₱200 dagdag na sahod na alam namang hindi kakayanin ng mga maliliit na negosyo at kung ang Senado ang mag-a-adopt sa panukala ng mababang kapulungan tiyak na mave-veto lamang ito ng pangulo.

Naunang sinabi ni Senate President Chiz Escudero na wala silang interes sa Senado na katigan ang ₱200 Wage Hike Bill ng Kamara dahil walang pag-aaral na ginawa rito ang mga kongresista bukod pa sa ipinasa lamang ito ng Mababang Kapulungan sa huling linggo ng kanilang sesyon.

Hindi aniya dapat palabasin ng Kamara na Senado ang may kasalanan dahil February 2024 pa nila inaprubahan ang panukalang dagdag na sahod habang ang mga kongresista ay matagal itong inupuan at ngayon sila pa ang nagmamadali na maipasa ito.

Facebook Comments