Walo pang alkalde mula sa Pangasinan ang kabilang sa pinakabagong listahan ng Mayors for Good Governance (M4GG), na isinusulong ang tapat at mahusay na pamamahala.
Kasama rito sina Alaminos City Mayor Arth Bryan Celeste, Mangatarem Mayor Jensen Viray Ventenilla, Dasol Mayor Rizalde Bernal, Anda Mayor Joganie Rarang, Mangaldan Mayor Bona Parayno, San Quintin Mayor Farah Lee Lumahan, Aguilar Mayor Kristal Soriano, at Rosales Mayor Liam Cesar.
Sila ay kabilang sa 74 bagong miyembro ng M4GG na kinilala ngayong taon bilang mga lider na may malasakit, integridad, at pananagutan sa pamahalaan.
Sa kasalukuyan, nasa observer status pa ang mga ito at magiging ganap na miyembro kapag natugunan ang mga kinakailangang requirement.
Ayon sa M4GG, ang pagiging kasapi ay isang malaking responsibilidad na dapat isabuhay sa pamamagitan ng tapat na pamumuno at paglaban sa korapsyon para sa kapakanan ng bawat Pilipino.









