Wanted person sa kasong murder sa Taguig City, naaresto sa Isabela

106

Matapos ang tatlong taon pagtatago sa Isabela, natunton din ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Southern Police District (SPD) ang number 1 most wanted person ng Taguig sa kasong murder.

Nahuli ang akusadong si Alfredo Monterde Dela Cerna alyas “Jun” at “Long Hair” ng North Signal, Taguig City sa Old Palengke Calamagui 1st, Ilagan City, Isabela.


Unang nakatanggap ng impormasyon ang District Intelligence Division ng Southern Police District (DID-SPD) kaugnay sa pinagtataguan ni Dela Cerna kung saan namamasukan ito bilang tagapag-alaga ng mga ibon.

Matapos ang isang buwang pagmamanman, ikinasa ang operasyon sa pakikipag-ugnayan sa Department of Interior and Local Government (DILG), PNP Region 2 SPD-SWAT, Isabela Provincial Police Office, at Ilagan City Police Station kung saan matagumpay ang pagkakahuli sa suspek.

Nasangkot si Dela Cerna sa pamamaril sa Taguig City. Maliban dito, kilala din itong drug pusher at kabilang sa drug watchlist ng Taguig City Police Station.

Nasa kustodiya na ng Taguig City Police ang suspek habang hinihintay ang commitment order mula sa korte.




Facebook Comments