Wanted sa kasong pagpatay sa isang pulis, patay nang manlaban sa mga awtoridad sa Tondo, Maynila

78

Patay ang isang lalaki na wanted sa kasong pagpaslang matapos na manlaban sa mga awtoridad sa Tondo, Maynila.

Ayon kay Manila Police District (MPD) Director Police Brig. Gen. Leo Francisco, matagal na nilang hinahanap ang suspek na nakilalang si Rommel Tiatco na residente ng Brgy. 93 sa Tondo.


Sinabi ni Francisco na naganap ang insidente kaninang alas-8:45 ng umaga kung saan ihahain sana ng mga tauhan ng MPD ang warrant of arrest laban sa suspek pero una itong nagpaputok ng baril kaya napuruhan ito nang gumanti ang mga awtoridad.

Nagawa pang maisugod sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center si Tiatco ngunit idineklara itong “dead on arrival”.

Nabatid na si Tiatco na lider ng Wang-wang group ay siyang responsable sa pagpatay sa dating pulis ng MPD na si Police Staff Sergeant Dranreb Cipriano noong nakaraang taon.

Facebook Comments