WARRANT OF ARREST | Makati RTC, didinggin ngayong araw ang petisyon ni Trillanes

1569

Manila, Philippines – Nakatakdang dinggin ngayong araw sa Makati Regional Trial Court Branch 150 ang inihaing mosyon ni Senator Antonio Trillanes IV na humihiling na baligtarin ang inilabas na warrant of arrest laban sa kanya ni Judge Elmo Alameda kaugnay ng kasong rebelyon.

Sa inihaing 20 pages na omnibus motion for reconsideration ni Trillanes, inihirit nitong dapat magtakda ng pagdinig ang hukuman para makapagharap sila ng mga testigo at makapagsumite ng mga ebidensiya.

Aniya, ito ay para maresolba muna ang isyu sa pagpapawalang bisa sa ibinigay sa kanyang amnestiya noong 2011 sa pamamamagitan ng Proclamation 572 ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Giit ni Trillanes, nakasunod siya sa lahat ng proseso at requirement kaya at siya ay nabigyan ng amnesty ni dating Pangulong Noynoy Aquino.

Magugunitang Setyembre 25 nang paboran ni Alameda ang petisyon ng Department of Justice (DOJ) at naglabas ito ng alias warrant of arrest laban sa senador.

Nag-ugat ang kasong rebelyon ni Trillanes sa Manila Peninsula siege noong 2007.

Facebook Comments