Nakararanas ng biglaang pagkawala ng suplay ng tubig ang ilang barangay sa bayan ng Urbiztondo matapos masira ang panel board ng electrical system na nagsu-supply ng kuryente sa water facility ng munisipyo.
Sa inilabas na public advisory ng Urbiztondo Water Services noong Mayo 13, posibleng umabot ng hanggang isang linggo ang water interruption habang hinihintay pa ang pagdating ng mga teknisyang magsasagawa ng pagkukumpuni sa nasirang panel board ng pump station sa Barangay Malayo.
Apektado ng water service disruption ang mga barangay ng Balangay, Batancaoa, Bayaoas, Bituag, Duplac, Gueteb, Malaca, Malayo, Pasibe East, at Pasibe West.
Ayon sa water facility, kusang namamatay ang panel board ng pumping station na nagdudulot ng pabugso-bugsong suplay ng tubig sa mga apektadong lugar. Sa ilang pagkakataon, pansamantala umanong pinapagana ang sistema upang makapagbigay ng ilang oras na suplay.
Pinapayuhan ang mga residente na mag-imbak ng sapat na tubig tuwing may pansamantalang pagbabalik ng suplay habang isinasagawa ang pagkukumpuni sa pasilidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









