
Suportado ng Bureau of Immigration (BI) ang repormang gawing world-class ang serbisyo sa paliparan — hindi lamang para sa mga pasahero, kundi para rin sa mga immigration personnel.
Ito’y kasunod na rin ng nilagdaang kasunduan ng BI kasama ang Department of Transportation (DOTr) at Manila International Airport Authority (MIAA).
Target nilang dagdagan ang manpower, palawakin ang deployment ng e-gates para sa mas mabilis na proseso.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, daragdagan pa nila ang immigration officers sa mga kilalang choke points, lalo na tuwing peak hours, upang masigurong mabilis ang daloy ng mga pasahero.
Ang naturang kasunduan ay tugon sa direktiba pa rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing moderno at globally competitive ang serbisyo sa mga airport sa bansa.