Wrong Parking, Nauwi sa Pananaksak sa Isang Merchandiser

13

Cauayan City, Isabela- Sugatan ang isang merchandiser matapos saksakin ng isang Grade 10 student dahil lamang sa hindi pagkakaunawaan sa parking space sa brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela.

Nakilala ang biktima na si Rodrigo Butac Jr, 34 taong gulang, may asawa, samantalang ang suspek ay nakilalang si John Mark Ariola, 20 taong gulang, grade 10 student at kapwa residente ng Purok 4 ng brgy. San Fermin.


Lumabas sa imbestigasyon ng Cauayan City Police Station na nagkaroon ng alitan ang biktima at suspek dahil lamang sa parking space partikular sa harapan ng isang bahay sa nasabing lugar.

Sumama umano ang loob ng suspek kaya’t umuwi sa kanilang bahay at kumuha ng ‘ice pick’.

Bumalik ang suspek sa kinaroroonan ng biktima dala ang ‘ice pick’ at kinompronta ang merchandiser.

Habang nagtatalo ang biktima at suspek ay inundayan ng dalawang (2) saksak sa tagiliran ang biktima.



Agad na hinabol ng kapit-bahay ng biktima ang suspek hanggang sa boluntaryo rin sumuko kay barangay Kagawad Leonar Adam.


Ipinasakamay naman ng Kagawad ang suspek sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon habang isinugod naman sa pagamutan ang biktima para mabigyan ng kaukulang lunas.

Facebook Comments