Inihain sa Kamara ang panukala na magbibigay ng buwanang pensyon para sa mga Pilipinong may kapansanan.
Sa House Bill 7571 ni Rep. Kristine Alexie Tutor, bubuo ng Social Pension Program para sa lahat ng rehistradong Persons with Disability (PWDs).
Ang social pension na ipagkakaloob sa mga PWD ay aabot ng P1,000 kada buwan na maaaring ibigay ng kada quarter, semi-annual o annual basis.
Tinukoy ng kongresista na isa ang mga PWD na lubhang apektado rin ng COVID-19 pandemic kaya ang nasabing pension ay malaking tulong para tugunan ang ibang pangangailangan.
Hiwalay ang naturang PWD social pension sa iba pang ayuda na ibinibigay ng pamahalaan tulad sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development at iba pang social services programs ng mga lokal na pamahalaan.
Pinabubuo rin ang mga kaukulang ahensya ng National Persons with Disability Registry kung saan lalamanin ang database ng lahat ng mga Pilipinong may kapansanan at magsisilbi rin itong batayan sa classification at marking ng Philippine Identification System para sa pag-iisyu ng PhilSys National ID upang makapag-avail ng mga benepisyo ang isang PWD.
Binibigyang mandato rin ng panukala ang Department of Finance, Department of Trade and Industry, Small Business Corporation, at Bangko Sentral ng Pilipinas na bigyang access ang mga PWDs sa kanilang mga microfinance, microinsurance, at microenterprise programs at projects.
Inaatasan naman ang Department of Social Welfare and Development, Securities and Exchange Commission, Department of Trade and Industry, Department of Interior and Local Government, at Department of Justice na bumuo at magpatupad ng special protection policies para sa mga PWD laban sa loan sharks, investment scammers, estafa, at iba pang financial fraud.