Sisilipin na rin ng Kamara ang ₱14 billion na advanced payments sa mga ospital para sa COVID-19 cases.
Nasa kabuuang ₱30 billion ang inilaan ng PhilHealth para sa COVID-19 cases kung saan ₱14 billion dito ang na-i-advance na sa mga pagamutan habang ang natitirang ₱16 billion ay sinuspinde muna ang releasing bunsod ng mga napaulat na katiwalian.
Ayon kay Public Accounts Chairman Mike Defensor, bubusisiin nila kung may pandaraya o overpayment na ginawa sa nasabing pondo.
Hiniling na umano nila sa PhilHealth na isumite sa susunod na linggo ang lahat ng mga kinakailangang dokumento na naglalaman ng halaga ng advanced payment sa bawat ospital na nakatanggap, halagang na-liquidate, bilang at classification ng mga bagong Coronavirus Disease cases, bilang ng mga pasyenteng nakinabang, mga gamot, at treatment sa mga pasyente.
Uumpisahan nila ang pagbusisi sa ₱1 billion na na-liquidate na umano ng ahensya.
Batay aniya sa estimate ng Commission on Audit (COA) nagkaroon ng 20% overpayment sa case-rate packages para sa pneumonia o katumbas ng ₱2.8 billion mula sa ₱14 billion na pondo.
Ibig sabihin, hindi na dapat humihingi ng reimbursement ang mga health facilities para sa ₱44,000 na package rate sa mild pneumonia lalo na kung ang pasyente ay ginamot lamang dahil sa ubo, sipon at lagnat.