Kinalampag ni Deputy Minority Leader at Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Zarate ang Meralco na i-refund sa consumers ang natitira pang P15.1 billion.
Ayon kay Zarate, bagama’t welcome sa kanila na sa wakas ay ibabalik ng Meralco ang P13.9 billion na over charging sa mga consumers mula 2015 hanggang 2020, dapat na isama aniya rito ang iba pang sobrang singil sa kuryente sa natitirang period mula 2013.
Iginiit ni Zarate na huwag sana itong maging kaso na ibinigay ang mas maliit na refund para pagtakpan ang mas malaki pa na dapat na makukuha ng mga consumers.
Aabot sa P29 billion ang refund na inoobliga mula sa Meralco mula sa period na 2013 hanggang 2018 at may natitira pang P15.1 billion na dapat maibalik sa mga customers.
Bukod sa P29 billion na sobrang singil sa distribution charges, ilan pa sa mga pinagdududahan ng Bayan Muna at ng iba pang grupo ang hindi maipaliwanag na discrepancy noong 2019 para sa bilang ng power purchase at sa nai-report sa Energy Regulatory Commission (ERC) gayundin sa financial statements ng Meralco sa kanyang mga stockholders na aabot ng P66 billion at ang P4.05 billion na premium payment sa Quezon power na 52% ang taas kumpara sa average coal power supplies ng Meralco noong 2020.