₱150-M confidential at intelligence fund ng DepEd at ₱10-B na pondo ng NTF-ELCAC, ibinalik ng bicam committee sa 2023 budget

Ibinalik ng bicameral conference committee ang P150 million na confidential fund ng Department of Education (DepEd) at ang P10 billion na pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa ilalim ng 2023 budget.

Ang P5.268 trillion na 2023 national budget ay inaprubahan kaninang umaga ng bicameral conference committee at inaasahang mamayang hapon ay mararatipikahan na ito ng Senado.

Ayon kay Finance Committee Chairman Sonny Angara, nagkasundo ang dalawang kapulungan ng Kongreso na ibalik ang mga tinapyas na pondo sa confidential fund ng DepEd at ang 2023 budget ng NTF-ELCAC.


Matatandaang bago sumalang sa bicam ang 2023 budget ay binawasan ng P120 million ang P150 million na pondo sa confidential fund ng DepEd habang ibinaba sa P5 billion naman ang orihinal na P10 billion na pondo ng NTF-ELCAC.

Sinabi ni Angara na kailangan umano ng DepEd ang pondo para sa confidential fund at nirerespeto naman ito ng Senado.

Paliwanag naman dito ni Appropriations Committee Chairman Cong. Elizaldy Co, ang desisyon na ibalik ang pondo sa confidential fund ng DepEd ay para matigil na ang pagre-recruit na ginagawa ng mga rebeldeng grupo sa mga kabataan papunta sa maling landas at upang matiyak na rin ang magandang kinabukasan ng mga mag-aaral.

Dagdag naman ni Angara na tanging ang DepEd lang ang ibinalik ang pondo para sa confidential fund pero hindi na ibinalik ang ibang ahensyang binawasan o tinanggalan na ang confidential at intelligence fund.

Nilinaw naman ni Angara na ibinalik lang ang ibinawas na pondo sa NTF-ELCAC at mayroon namang source na mapagkukunan dito at hindi ito hinugot sa ibang mga ahensya.

Tiniyak naman ng mga mambabatas na oobligahin ng Commission on Audit (COA) ang pagsusumite ng report ng mga nabanggit na ahensya para malaman kung papaano at saan ginastos ang mga nabanggit na pondo.

Facebook Comments