Nasamsam ang tinatayang ₱170,000 halaga ng hinihinalang shabu mula sa isang 55-anyos na lalaki matapos siyang arestuhin sa bisa ng search warrant sa Alaminos City, Pangasinan noong Pebrero 11, 2026.
Pinangunahan ng Alaminos City Police Station, kasama ang PDEA Pangasinan, ang pagpapatupad ng search warrant laban sa suspek na isang high-value individual at residente ng nasabing lungsod.
Sa isinagawang paghahalughog sa kanyang bahay at mga sakop na lugar, nakumpiska ang tinatayang 25 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na ₱170,000, na nakalagay sa limang pakete.
Bukod dito ay narekober din ang ang ilang drug paraphernalia.
Isinagawa ang pagmamarka at imbentaryo ng mga ebidensya sa mismong lugar sa harap ng mga itinakdang saksi at ng suspek, alinsunod sa umiiral na batas.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.







