
Aprubado na ng Department of Budget and Management (DBM) ang paglalabas ng ₱20 billion na Special Allotment Release Order (SARO) at Notice of Cash Allocation (NCA) sa Department of Energy (DOE).
Ayon sa DBM ito ay para masiguro na sapat ang supply ng langis sa bansa at maprotektahan ang mga Pilipino mula sa epekto ng global oil crisis.
Sa pamamagitan nito, susuportahan ang Emergency Energy Security Program ng pamahalaan na layong patatagin ang fuel availability, maiwasan ang kakulangan sa supply, at mabawasan ang epekto ng pabago-bagong presyo ng langis sa world market.
Gagamitin anila ang ₱20 billion sa pagbili ng langis para mapatatag pa ang imbentaryo ng bansa at masigurong tuloy-tuloy ang operasyon ng iba’t ibang sektor kabilang ang transportasyon, logistics at agrikultura.
Alinsunod na rin ito sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. dahil na rin sa nagpapatuloy na tensiyon sa Middle East na nakaapekto sa produksyon at distribusyon ng langis at nagdulot ng banta sa supply ng bansa.
Sabi ni Budget Secretary Rolando Toledo, layon nitong protektahan ang bawat Pilipino mula jeepney driver, delivery rider at maging mga magsasaka at iba pang mga apektado ng walang prenong taas-presyo sa petrolyo.










