₱200 na buwanang subsidiya, dinepensahan ng NEDA

Photo Courtesy: Bangko Sentral ng Pilipinas

Dinepensahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang inaprubahang ₱200 na buwanang cash assistance sa mga mahihirap na pamilya.

Ito ay kasunod ng pagbatikos ng ilang grupo sa panukalang subsidiya dahil masyado aniya itong maliit at hindi sapat para matugunan ang pangangailangan ng mga mahihirap na Pilipino.

Ayon kay NEDA Development Information Staff Director Nerissa Esguerra, hindi sapat ang resources upang mabigyan ng sapat na ayuda ang lahat dahil mayroon tayong krisis na kinakaharap.


Gayunpaman ay sinusubukan ng NEDA na mapanatili ang economic growth at umaaasang mapalakas pa ang ekonomiya upang malagpasan ang krisis na nararanasan ng bansa.

Samantala, isinusulong naman ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na dapat ay mabigyan din ng cash subsidy ang mga minimum wage earner.

Matatandaang nauna nang inirekomenda ng DOLE ang pagbibigay ng wage subsidy para sa 1 milyong manggagawa na target maipamahagi mula Abril hanggang Hunyo.

Facebook Comments