₱32-billion na supplemental budget para sa MOOE ng mga pampublikong paaralan, isinulong sa Kamara

Hiniling ni Deputy Minority Leader and ACT Teachers Representative France Castro sa liderato ng Kamara na agarang talakayin ang inihain niyang House Joint Resolution No. 4.

Nakapaloob sa resolusyon ang paglalaan ng ₱32-billion na supplemental budget para sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng 47,612 mga pampublikong paaralan.

Kasama din dito ang mga paaralan sa ilalim ng Department of Science and Technology (DOST) at mga State Universities and Colleges na mayroong basic education.


Paliwanag ni Castro, ang nabanggit na pondo ay gagamitin para sa repair ng mga classrooms, pambili ng school supplies at air filtration, at paglalaan ng hand-washing area at iba pang gamit para sa ligtas napagbubukas ng mga paaralan.

Hakbang ito ni Castro sa harap ng pagsisimula ng Brigada Eskwela o paghahanda ng mga public schools para sa pagbabalik ng 100% face-to-face classes sa Nobyembre.

Ayon kay Castro, karamihan sa mga guro at pamunuan ng mga pampublikong paaralan ay umaasa lang sa mga donasyon mula sa mga magulang para sa pagsasaayos at paglilinis ng mga silid-aralan.

Diin pa ni Castro, may mga pagkakataon na bumubunot sa sariling bulsa ang mga guro para masimulan ang pagsasaayos ng mga classrooms na kanilang gagamitin.

Facebook Comments