₱34K HALAGA NG SHABU, NASAMSAM SA MAGKAHIWALAY NA OPERASYON SA ILOCOS SUR

Umabot sa mahigit ₱34,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam ng pulisya sa dalawang magkahiwalay na operasyon laban sa ilegal na droga sa lalawigan ng Ilocos Sur.

Sa Sta. Maria, Ilocos Sur, isang 58-anyos na lalaki ang inaresto matapos ang isinagawang buy-bust operation ng Sta. Maria Municipal Police Station, katuwang ang PDEA.

Nakumpiska mula sa suspek ang humigit-kumulang 0.5 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱3,400, na nakapaloob sa dalawang pakete.

Bukod sa ilegal na droga, narekober din ang iba’t ibang non-drug evidence tulad ng mga foil na may bakas ng shabu, at buy-bust at boodle money.

Samantala, sa Sta. Lucia, Ilocos Sur, isa ring lalaki ang naaresto sa hiwalay na buy-bust operation na pinangunahan ng iba’t ibang operating units ng pulisya, kasama ang PDEA.

Nasamsam mula sa suspek ang humigit-kumulang 4.54 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na ₱30,872, na nakapaloob sa tatlong plastic sachet.

Isinagawa ang inventory at marking ng mga ebidensya sa lugar ng operasyon, sa harap ng suspek at mga itinakdang saksi, alinsunod sa umiiral na batas.

Ang mga naarestong suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, habang patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.

Facebook Comments