
Aabot sa ₱34,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam ng pulisya sa magkahiwalay na operasyon laban sa dalawang indibidwal sa mga bayan ng Villasis at Urbiztondo, Pangasinan, gabi ng Enero 28, 2026.
Sa Villasis, ikinasa ang pagpapatupad ng search warrant na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang 43 anyos na lalaki, may live-in partner, walang trabaho, at residente ng nasabing bayan.
Nakumpiska sa operasyon ang apat na gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na ₱27,200, na nakapaloob sa apat na plastic sachet.
Bukod sa ilegal na droga, narekober din ang iba’t ibang non-drug evidence at drug paraphernalia.
Isinagawa ang imbentaryo at pagmamarka ng mga ebidensya sa lugar ng operasyon sa presensya ng mga mandatory witness at ng suspek, alinsunod sa itinakda ng batas.
Samantala, isang 19 anyos na lalaki naman na itinuturing na street-level individual ang naaresto sa isang buy-bust operation sa bayan ng Urbiztondo.
Ang suspek ay isang grade 11 student, walang asawa, at residente ng naturang lugar.
Nakumpiska mula rito ang isang gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na ₱6,800, na nakapaloob sa tatlong plastic sachet.
Nasamsam din ang ginamit bilang buy-bust money at motorsiklong ginamit sa transaksyon.
Ang lahat ng ebidensya mula sa ikalawang operasyon ay inimbentaryo at minarkahan din sa mismong lugar ng insidente sa presensya ng mga mandatory witness at ng suspek, bilang pagsunod sa umiiral na legal na proseso.
Ang dalawang suspek ay nahaharap sa kaukulang kaso kaugnay ng paglabag sa batas laban sa ilegal na droga. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










