₱4.506 trillion 2021 budget, isinumite na ng DBM sa Kamara

Pormal ng isinumite ng Department of Budget and Management (DBM) sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang National Expenditure Program (NEP) para sa taong 2021.

Ayon kay Budget Secretary Wendel Avisado, aabot sa P4.506 Trillion ang pambansang pondo para sa susunod na taon na may temang “Reset, Rebound and Recover: Investing for Resiliency and Sustainability”.

Mas mataas ito ng 9.9% kumpara sa P4.1 Trillion budget ngayong 2020.


Sinabi ni Avisado na sesentro ang national budget sa pagpapabuti ng health care system ng bansa, pagtiyak sa food security, paglikha ng maraming trabaho at digitalization ng gobyerno at ng ekonomiya.

Ipaprayoridad din sa pambansang pondo ang mga social services sector para tugunan ang banta ng COVID-19 tulad ng national health insurance, medical assistance, procurement ng COVID-19 vaccines at PPEs.

Tulad pa rin sa mga nakaraang budget, pinakamalaki pa rin ang alokasyon para sa edukasyon na may P754.4 Billion.

Sinabi naman ni Speaker Alan Peter Cayetano na target nilang tapusin ang deliberasyon at aprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang 2021 national budget sa katapusan ng Setyembre.

Facebook Comments