
Nakumpiska ng pulisya ang tinatayang ₱4,080 halaga ng hinihinalang shabu mula sa isang magsasaka matapos ang ikinasang buy-bust operation sa bayan ng Aguilar, Pangasinan kagabi, Disyembre 24, 2025.
Ayon sa ulat ng Aguilar Municipal Police Station, nasa 0.6 gramo ng hinihinalang shabu na nakapaloob sa tatlong pakete ang narekober mula sa 54-anyos na lalaking suspek.
Isinagawa ang operasyon sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 1, na nagresulta sa agarang pagkakaaresto sa suspek.
Bukod sa hinihinalang shabu, narekober din ang isang ₱500 na ginamit bilang buy-bust money.
Isinagawa ang on-site inventory at pagmamarka ng mga ebidensya sa presensya ng mga itinakdang saksi at ng suspek, alinsunod sa itinakda ng batas.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.








