
Nakakainsulto at nakakagalit para kay House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio ang pahayag ng Department of Trade and Industry (DTI) na sapat ang P500 para sa Noche Buena ng pamilyang Pilipino.
Ayon kay Tinio, konting noodles, itlog, at tubig na lang ba ang nais ng DTI na Pasko para sa pamilyang Pilipino?
Malinaw kay Tinio na sinusubukang utuin ng pamahalaan ang mamamayan na maghigpit ng sinturon at pagkasyahin ang kakarampot na sahod, habang nagpapakasasa ang mga contractor at mga kasabwat nila sa gobyerno sa bilyones na pera ng bayan na ginawa nilang kickback mula sa budget insertions.
Giit ni Tinio, ang pahayag ng DTI ay garapalang pagtatangka na gawing normal ang kahirapan at hayaan ang mga Pilipino na tanggapin ang pagbulsa ng mga tiwali sa kaban ng bayan.
Bunsod nito, hinikayat ni Tinio ang publiko na idaan ang kanilang galit sa mga pagkilos tulad ng paglahok sa malawalang rally bukas, Nobyembre 30.










