₱6.5 billion na pondo para sa pagsasaayos ng sampung libong silid-aralan, ibabalik ng Senado

Ibabalik ng Senado ang buong ₱6.5 billion na pondo para sa pagsasaayos ng 10,000 silid aralan sa buong bansa na unang binawasan ng Kamara.

Sa budget deliberation ay kinuwestyon ni Senator JV Ejercito, ang ginawang pagtapyas sa pondo para sa mga classroom repairs.

Dito ay tiniyak ni Senator Pia Cayetano, sponsor ng budget ng DepEd sa Senado, na ire-restore o ibabalik ng Mataas na Kapulungan ang ibinawas na pondo para sa pagpapagawa ng mga silid-aralan.


Paliwanag ni Cayetano, mas marami ang magagawa sa pagsasaayos ng mga classrooms at ito ang isa sa mabilis at maaasahang solusyon para tugunan ang kakulangan kumpara sa pagpapatayo ng mga bagong silid-aralan na lubhang mas matatagalan pa.

Aabot sa 202,000 ang mga silid-aralan, na nasa iba’t ibang estado na ng pagkasira kung saan sa bilang na ito, 20,700 na mga classrooms ang hindi na talaga magagamit pa.

Ang pondo sa classroom repairs ay inaasahan makakakumpuni ng mahigit 10,000 silid aralan sa bansa.

Magkagayunman, mananatili pa rin sa 159,000 ang backlog sa mga silid-aralan dahil ito ay patungkol naman sa pagtatayo ng mga bagong pasilidad.

Facebook Comments