
Umabot sa ₱70,465,890.00 ang kabuuang halaga ng ilegal na droga na nasamsam ng Police Regional Office 1 (PRO 1) sa buong buwan ng Disyembre matapos magsagawa ng 127 anti-illegal drug operations sa iba’t ibang panig ng Rehiyon 1.
Ang mga operasyong ito ay nagresulta sa pagkakaaresto ng 126 indibidwal na sangkot sa ilegal na gawain.
Ayon sa PRO 1, kabilang sa mga nakumpiskang ebidensya ang 796 gramo ng shabu, 525.58 gramo ng tuyong dahon ng marijuana, 323,350 piraso ng marijuana plants, at 8,000 piraso ng marijuana seedlings, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga sa rehiyon.
Bilang isa sa pinakamalalaking operasyon, matagumpay na binuwag ng magkasanib na pwersa ng iba’t ibang yunit ng pulisya at katuwang na ahensya ang 57 plantasyon ng marijuana na sumasaklaw sa humigit-kumulang 64,576 metro kuwadrado sa mga bulubunduking barangay ng Danac at Licungan, Sugpon, Ilocos Sur.
Isinagawa ang operasyon sa loob ng apat na araw, mula Disyembre 9 hanggang 12, ng Sugpon MPS, ISPDEU, 1st ISPMFC, 2nd ISPMFC, at RMFB 1, katuwang ang PDEA RO1.
Sa naturang operasyon, 283,400 fully grown marijuana plants at 8,000 seedlings ang winasak, na may tinatayang standard drug price (SDP) na nagkakahalaga ng ₱57,000,000.00.
Ayon kay PBGEN Dindo R. Reyes, Regional Director ng PRO 1 na patunay ito ng kanilang matibay na paninindigan na sugpuin ang ilegal na droga sa Rehiyon 1.
Dagdag pa ng PRO 1, magpapatuloy ang sustained at intelligence-driven operations katuwang ang iba’t ibang ahensya at ang komunidad, upang tuluyang mapahina at mabuwag ang mga grupong sangkot sa ilegal na droga sa rehiyon.








