
Pinaaalalahanan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang lahat ng miyembro na nais lumipat ng kanilang PhilHealth YAKAP Clinic ay maaaring magtungo sa mga PhilHealth Local Health Insurance Office hanggang sa Biyernes, ika-26 ng Disyembre. Ito ay upang matiyak na tuloy-tuloy ang pagtanggap ng mga benepisyo sa ilalim ng PhilHealth YAKAP Program.
Para lumipat sa ibang YAKAP Clinic, mayroon man o walang naganap na First Patient Encounter (FPE), kailangang pumunta ang miyembro o ang kanilang dependent sa pinakamalapit na LHIO upang magsumite ng nasagutang Primary Care Selection Form (PCSF). Sasailalim din ang mga miyembro sa beripikasyon gamit ang PhilHealth Check Utility (PCU). Ipapaalam ng PhilHealth sa pamamagitan ng email ang detalye ng paglipat, na magiging epektibo sa oras na maaprubahan ito simula Enero 1, 2026.
Tatanggap din ang PhilHealth Action Center (02) 866-225-88 ng mga request para sa paglilipat hanggang Disyembre 31, 2025.
Pinapayagan din ng PhilHealth ang paglipat sa pamamagitan ng kinatawan, basta’t may dalang authorization letter, isang valid na government-issued ID (o katumbas na dokumento), at kumpletong PhilHealth Member Registration Form (PMRF) o PhilHealth Claim Form (PCF), kung kinakailangan.
Ipinapaalala ng PhilHealth sa mga miyembro na ang mga hindi pa nakakapag-FPE ay maaaring humiling na lumipat ng provider anumang oras. Kapag naaprubahan, magkakabisa agad ang mga paglilipat na ito. Para sa mga nakagamit na ng FPE, maaari lamang mag-request ng paglipat tuwing ika-apat na quarter ng taon (Oktubre hanggang Disyembre).
Maaaring tingnan ng mga miyembro ang listahan ng mga YAKAP Clinic sa www.philhealth.gov.ph upang makapili ng malapit na pasilidad sa kanilang lokasyon para gabayan sa kanilang pagpili. Regular na ina-update ang listahan para sa mga bagong accredited na YAKAP Clinic at contact details.
Ayon kay PhilHealth President at CEO, Dr. Edwin M. Mercado, “Ito ang direktiba ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. – na magamit at mailapit ang primary care benefits sa lahat ng Filipino. Ang bawat miyembro ay may kalayaang pumili ng YAKAP Clinic upang mas madaling magamit ang benepisyo ng PhilHealth YAKAP. Maaaring ito ay malapit sa kanilang tahanan o trabaho para masiguro ang kaayusan at kalusugan ng buong pamilya”, wika niya.
Nag-aalok ang PhilHealth YAKAP ng mga libreng serbisyong pangkalusugan gaya ng regular na check-up, mga laboratory test, cancer screening at mga gamot sa ilalim ng PhilHealth GAMOT (Guaranteed Accessible Medications for Outpatient Treatment).
Para sa karagdagang katanungan tungkol sa mga benepisyo at serbisyo, maaaring tumawag ang mga miyembro sa PhilHealth’s 24/7 Hotline sa (02) 866-225-88. Maaari rin makipag-ugnayan sa mga mobile numbers (Smart) 0998-857-2957, 0968-865-4670, (Globe) 0917-127-5987, 0917-110-9812. ###
#Rise30 #SamasamangPagangatsaBagongPilipinas #naYAKAPnako #MalayoSaSakit
#PhilHealthYAKAP
Reference:
Dr. Israel Francis A. Pargas
Spokesperson, PhilHealth
Para sa media interviews, makipag-ugnayan sa Corporate Communication Department sa 0898-400-5473.









