
Cauayan City – Pinaghahandaan na ng Cauayan City Police Station ang nalalapit na paggunita ng Semana Santa ngayong taon.
Sa panayam ng IFM News Team kay Police Lieutenant Colonel Avelino Canceran Jr., Chief of Police ng Cauayan City Police Station, sinabi nito na tututukan nila ang pagbabantay sa mga ilog at resorts sa lungsod ng Cauayan na siyang madalas puntahan ng mga residente tuwing ganitong panahon.
Aniya, kabilang rin sa kanilang babantayan ay iba’t-ibang mga places of convergence kabilang na ang mga bus terminals.
Sa kasalukuyan, base sa kanilang monitoring ay hindi pa umano nakakaranas ng pagdagsa ng mga pasahero sa mga terminals subalit inaasahan ito sa mga susunod na araw, lalo na sa weekend.
Patuloy rin ang kanilang koordinasyon sa bawat barangay na kanilang makakatuwang sa pagbabantay, partikular na ang mga lugar kung saan may mga ilog at resorts.
Sa nalalapit na paggunita ng Semana Santa, mas paghihigpitin pa ng kapulisan ang kanilang monitoring sa iba’t-ibang lugar sa lungsod upang masiguro ang kaligtasan ng lahat.










