Thursday, February 5, 2026

𝗕𝗔𝗡𝗚𝗞𝗔𝗬 𝗡𝗚 𝗕𝗔𝗕𝗔𝗘, 𝗡𝗔𝗧𝗔𝗚𝗣𝗨𝗔𝗡 𝗦𝗔 𝗜𝗟𝗔𝗟𝗜𝗠 𝗡𝗚 𝗧𝗨𝗟𝗔𝗬 𝗦𝗔 𝗕𝗥𝗚𝗬. 𝗚𝗔𝗣𝗣𝗔𝗟, 𝗖𝗔𝗨𝗔𝗬𝗔𝗡 𝗖𝗜𝗧𝗬

Cauayan City – Palutang-lutang at nakasiksik sa mga sanga ng kawayan nang matagpuan ang bangkay ng isang babae sa Budduan Bridge, Brgy. Gappal, Cauayan City, Isabela, ngayong araw, ika-5 ng Enero.

Sa panayam ng IFM News Team kay Riquino Villanueva, residente ng Brgy. Gappal, Cauayan City at ang siyang nakadiskubre sa bangkay, kasalukuyan umano niyang tinitingnan ang pa-in niya sa ilog sa nabanggit na tulay nang makita ang tila hugis tao na nasa mga sanga ng kawayan.

Noong una, akala niya ay basura lamang ito dahil madalas na mayroon umanong mga basurang itinatapon sa ilalim ng tulay, subalit nang kanyang lapitan, dito nakumpirma na ito nga ay isang babae.

Matapos matanggap ang report, kaagad namang nagsagawa ng imbestigasyon ang hanay ng Cauayan City Police Station kasama ang Forensic Unit sa pinangyarihan ng insidente.

Dahil walang pagkakakilanlan ang biktima maliban na lamang sa suot nitong itim na sweatshirt at pants, kaagad silang nakipag-ugnayan sa mga karatig-lugar para sa posibleng pagkakakilanlan ng biktima.

Sa kasalukuyan, puspusan pa rin ang ginagawang imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng bangkay at ang posibleng sanhi ng kamatayan nito.

————————————–
‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
‎#985ifmcauayan
‎#idol
‎#numberone
‎#ifmnewscauayan

Facebook Comments