Inihayag ni Commission on Filipino Overseas (CFO) Secretary Romulo Arugay na ang bawat tawag sa kanilang ahensya ay agad na tinutugunan kahit pa hindi ligtas ang action line ng kanilang tanggapan sa prank calls bilang aksyon nito kontra human trafficking.
Aniya, bagaman prank o hindi sakop ng kanilang tanggapan ang isinasangguning problema sa kanilang action line ay itinuturing itong emergency na agarang matugunan at dinidirekta ang mga ito sa mga tamang ahensya.
Binigyang-diin ni Arugay na sa pamamagitan ng ganitong sistema sa kanilang hotline ay makatutulong upang makapagsalba ng buhay.
Hinihikayat ng CFO ang publiko na gamitin ang hotline na 1343 para sa mga nais na idulog ang kanilang problema na may kinalaman sa human trafficking at iba pang kaso ng pang-aabuso sa mga Pilipino na nasa ibang bansa.
Nilinaw ni Arugay na nakapokus ang kanilang tanggapan sa mga Pilipino na mag-migrate o i-petition ng kanilang pamilya.
Kaugnay nito, nakatakdang isagawa ng Commission on Filipino Overseas ang Mobile PDOS o Pre-Departure Orientation Seminar sa Urdaneta City ngayong August 15.
Tatalakayin sa naturang aktibidad ang mga proseso bago at pagkatapos mangibang bansa ng isang Pilipino at mga serbisyo na inaalok ng CFO upang tuluyang maayos ang pamumuhay sa ibang bansa. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨