
Cauayan City – Arestado ang isang 47-anyos na British National matapos masakote ng mga operatiba ng Bureau of Immigration sa Sta. Fe, Romblon matapos matukoy na rehistradong sex offender sa United Kingdom.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, kinilala ang dayuhang suspek na si Andrew Charles Beaumont, na nadakip noong Lunes ika-16 ng Pebrero, 2026 sa Sitio Cabalian alinsunod ng mission order na inilabas ngayong buwan.
Ayon kay BI Fugitive Search Unit Chief Rendel Ryan Sy, isinagawa ang operasyon sa pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group, PNP Intelligence Group Regional Intelligence Unit 4-B, Criminal Investigation and Detection Group Romblon Provicial Field Unit, Regional Intelligence Division Police Regional Office at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Batay sa mga ulat ng mga awtoridad, rehistradong sex offender si Beaumont sa United Kingdom at saklaw ng isang life-long Sexual Offence Notification Order na inilabas noong 2012.
Nauna rin siyang nahatulan sa Australia noong 2009 sa ilang kasong may kinalaman sa sexual abuse sa isang menor de edad.
Ayon sa court records, ang dating guro ay sinentensiyahan ng apat na taon at anim na buwang pagkakakulong na may tatlong taong non-parole period, matapos umano ang paulit-ulit na pakikipagtalik sa isang 15-anyos sa loob ng anim na linngo.
Sa paunang beripikasyon ng BI database, huli siyang dumating sa Pilipinas noong Setyembre 19, 2022 bilang temporary visitor. Gayunman, nag-expire ang kanyang huling awtorisadong extension noong Nobyembre 2023, dahilan upang siya ay maituring na overstaying alien.
Mariing kinondena ni Viado ang mga dayuhang sangkot sa pagsasamantala sa mga bata.
Binigyang-diin din ng opisyal na bahagi ang pag-aresto sa pinaigting na kampanya ng ahensya sa ilalim ng ShieldKids Initiative na naglalayong palakasin ang border control, intelligence sharing, at enforcement actions laban sa mga dayuhan sex offender at trafficker.
Sa kasalukuyan, nakapiit si Beaumont sa Bureau of Immigration Warden’s Facility habang hinaharap ang kasong deportasyon na isinampa laban sa kanya.
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










