Saturday, April 11, 2026

𝗖𝗔𝗚𝗔𝗬𝗔𝗡 𝗦𝗧𝗔𝗧𝗘 𝗨𝗡𝗜𝗩𝗘𝗥𝗦𝗜𝗧𝗬, 𝗣𝗜𝗡𝗔𝗟𝗔𝗟𝗔𝗞𝗔𝗦 𝗔𝗡𝗚 𝗘𝗟𝗘𝗖𝗧𝗥𝗢𝗡𝗜𝗖 𝗠𝗢𝗕𝗜𝗟𝗜𝗧𝗬 𝗣𝗥𝗢𝗝𝗘𝗖𝗧𝗦 𝗕𝗜𝗟𝗔𝗡𝗚 𝗧𝗨𝗚𝗢𝗡 𝗦𝗔 𝗞𝗥𝗜𝗦𝗜𝗦

Cauayan City – Patuloy na nagsasagawa ng mga makabagong proyekto ang Cagayan State University – Carig Campus bilang tugon at alternatibo solusyon sa paggamit ng petrolyo sa sektor ng transportasyon, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Sa pamamagitan ng Electronic Mobility Research and Development Center (EMRDC), na binuo katuwang ang Department of Science and Technology, nakabuo na ang unibersidad ng pitong electronic mobility projects mula nang ito ay itatag noong 2021.

Ayon kay Engr. Michael Orpilla, kabilang sa kanilang mga nagawang proyekto ang kauna-unahang e-trike, C-trike o converted electric tricycle, e-buggy na isang maliit na multi-purpose vehicle, converted electric 45-seater bus, 18-seater e-tranvia na idinisenyo para sa mga turista sa Intramuros, 10+1 e-tranvia, at standardized battery packaging na nagbibigay-daan sa mabilis na pagpapalit ng baterya kapag naubusan ng karga ang sasakyan.

Ang mga proyektong ito ay hindi na gumagamit ng petrolyo, kaya inaasahang makatutulong sa pagbawas ng gastusin sa transportasyon sa gitna ng mataas na presyo ng langis.

Ibinahagi rin ni Orpilla na nakatakdang ihatid sa Kidapawan ang sampung yunit ng C-trike na ginawa ng ACT Machineries na matatagpuan sa Isabela. Ang mga unit na ito ay pinondohan ng lokal na pamahalaan ng Kidapawan katuwang ang DOST at ipamamahagi nang libre sa mga napiling benepisyaryo.

Ipinaliwanag ng EMRDC na ang CSU ang nangunguna sa pagdisenyo at paglinang ng teknolohiya, habang ang mga pribadong kumpanya naman ang bahalang gumawa at magbenta ng mga produktong ito sa merkado.

Umaasa ang DOST na kapag napatunayang mabisa ang C-trike, mas marami pang lugar sa bansa ang gagamit ng ganitong uri ng sasakyang de-kuryente.

Facebook Comments