𝗗𝗔𝗟𝗔𝗚𝗜𝗧𝗔, 𝗣𝗔𝗧𝗔𝗬 𝗦𝗔 𝗦𝗔𝗞𝗦𝗔𝗞 𝗡𝗚 𝗦𝗔𝗥𝗜𝗟𝗜𝗡𝗚 𝗔𝗠𝗔 𝗦𝗔 𝗖𝗔𝗚𝗔𝗬𝗔𝗡

CAUAYAN CITY – Labis na panlulumo at paghihinagpis ang nararamdaman ngayon ng isang mag-anak matapos na masawi sa kamay mismo ng isang padre de pamilya ang isang grade-11 student na dalagita, sa Brgy. Carig Norte, Tuguegarao City.

Ayon sa ulat ng Cagayan PIO, ang biktima ay 16-anyos pa lamang, habang ang ama nito na siyang salarin ay isang 34-anyos na security guard.

Napag-alaman na nag-iisang anak lamang ang biktima at tanging dalawa lamang sila na nakatira sa kanilang bahay dahil ang ina nito ay isang OFW.


Una rito, nakarinig umano ang mga kapitbahay ng malalakas na sigawan sa loob ng bahay ng biktima at nang kanila itong siyasatin, nakita ang duguang katawan ng biktima habang sinasakal ito ng sariling ama.

Kaagad din umanong tumakas ang suspek matapos ang insidente at kasalukuyan pa ring pinaghahanap.

Samantala, lumalabas naman na saksak sa dibdib ang naging sanhi ng pagkamatay ng biktima.

Facebook Comments