Monday, March 23, 2026

𝗗𝗔𝗟𝗔𝗪𝗔𝗡𝗚 𝗦𝗨𝗦𝗣𝗘𝗞 𝗦𝗔 𝗖𝗔𝗧𝗧𝗟𝗘 𝗥𝗨𝗦𝗧𝗟𝗜𝗡𝗚, 𝗧𝗜𝗠𝗕𝗢𝗚 𝗦𝗔 𝗖𝗛𝗘𝗖𝗞𝗣𝗢𝗜𝗡𝗧 𝗦𝗔 𝗕𝗨𝗥𝗚𝗢𝗦, 𝗜𝗦𝗔𝗕𝗘𝗟𝗔

CAUAYAN CITY – Arestado ang dalawang indibidwal matapos mahuli sa isang checkpoint operation sa Brgy. San Antonino, Burgos, Isabela, nitong March 21, 2026.

Kinilala ang mga suspek bilang alyas “Nelson,” 43-anyos, at “Nestor,” 40-anyos, kapwa residente ng Naguilian, Isabela.

Sakay sila ng isang puting Hyundai utility vehicle na pinara dahil sa hindi pagsusuot ng seatbelt.

Sa isinagawang inspeksyon, nadiskubre ng mga awtoridad ang dalawang bakang walang anumang marka o dokumentong magpapatunay ng pagmamay-ari, isang babaeng baka at isang lalaking baka.

Ayon sa mga suspek, binili umano nila ang mga ito sa isang alyas “Elong” sa Quezon, Isabela, dahilan upang agad na makipag-ugnayan ang pulisya para sa beripikasyon.

Gayunman, nang dumating si “Elong” sa burgos municipal police station, nabigo rin itong magpakita ng kaukulang papeles, kaya’t tuluyang inaresto ang mga sangkot sa paglabag sa Anti-Cattle Rustling Law o Presidential Decree No. 533.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang mga suspek, kasama ang sasakyan at mga nasabat na baka para sa kaukulang disposisyon.

Ayon kay Isabela Police Provincial Director Police Colonel Manuel B. Bringas, patunay ang insidenteng ito sa pagiging epektibo ng pinaigting na checkpoint operations ng kapulisan.

Patuloy rin ang paalala ng pulisya sa publiko na tiyaking may sapat na dokumento sa pagbili at pagbebenta ng mga hayop upang makaiwas sa paglabag sa batas.

Facebook Comments