Kasabay ng pagbibilang ng araw sa pagtatapos ng taon, ang pagbibilang sa kahihinatnan ng mga traditional jeepneys.
Maraming jeepney operators at driver pa rin ang hindi nakakapagconsolidate kahit na malapit na ang deadline. Ayon sa datos ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB), 30 % o nasa 40,000 na mga traditional jeepneys pa diumano ang hindi pa consolidated sa buong bansa.
Ayon sa ilang mga driver ng jeep sa Pangasinan, ayaw nilang mapunta sa iba ang pagmamay-ari ng jeep, dahil mas mahal, anila ang kaniyang gagastusin para palitan pa ang jeep na mayroon na sila. Dagdag pa nila, na jeep na lamang ang mayroon silang panghanap-buhay.
Samantala, dahil sa paninindigan ng Department of Transportation (DOTr) na hindi na palalawigin pa ang itinakdang deadline, ang grupo ng MANIBELA ay direkta ng nakiusap sa Pangulo. Ayon kay Mar Valbuena, Presidente ng Manibela, nawa’y hipuin ng Diyos ang puso ng pangulo upang hindi magkaroon ng krisis sa transportasyon. Dagdag pa niya na hindi lamang mga operator at driver ang apektado, kundi maging ang mga komyuter.
Bagamat malaking porsyento pa rin ang hindi pa consolidated, magbibigay ng special permit diumano ang gobyerno sa ibang mga pampublikong sasakyan para mapunan ang mga rutang maapektuhan.
Samantala, paglilinaw ng DOTr na ang itinakdang araw sa huling araw ng taon ay ang deadline ng consolidation at hindi katumbas ng jeepney phaseout. Anila, makakapagbyahe pa rin ang mga tradisyonal na jeepney na nakapagconsolidate, sa mga lansangan. Ito, diumano, ang unang hakbang para sa programang PUV Modernization Program. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨