Thursday, January 29, 2026

𝗗𝗦𝗪𝗗, 𝗡𝗔𝗡𝗔𝗡𝗔𝗪𝗔𝗚𝗔𝗡 𝗦𝗔 𝗠𝗔𝗚𝗨𝗟𝗔𝗡𝗚 𝗡𝗚 𝗡𝗔𝗧𝗔𝗚𝗣𝗨𝗔𝗡𝗚 𝗦𝗔𝗡𝗚𝗚𝗢𝗟 𝗦𝗔 𝗕𝗔𝗬𝗢𝗠𝗕𝗢𝗡𝗚, 𝗡𝗨𝗘𝗩𝗔 𝗩𝗜𝗭𝗖𝗔𝗬𝗔

Cauayan City — Naglabas ng panawagan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga magulang o kamag-anak ng sanggol na babae na iniwan at natagpuan sa Bypass Road, Purok 3, Barangay Bonfal East, Bayombong, Nueva Vizcaya noong ika-19 ng Disyembre.

Ang nabanggit na bagong silang na sanggol ay pinangalanang Solanna Via Lopez.

Ayon sa DSWD, ang bata ay kasalukuyang nasa ilalim ng pangangalaga ng Reception and Study Center for Children (RSCC) na matatagpuan sa Maddarulug, Solana, Cagayan upang matiyak ang kanyang kaligtasan, kalusugan, at pangkalahatang kapakanan nito.

Inaanyayahan ng ahensya ang sinumang magulang o kamag-anak ng bata na personal na dumalaw sa tanggapan ng RSCC hanggang sa ika-19 ng Pebrero ngayong taong 2026, upang mapag-usapan ang kaukulang hakbang hinggil sa kalagayan at kinabukasan ng sanggol.

Binigyang-diin ng DSWD na ang hindi pagharap o pakikipag-ugnayan ng mga magulang o kamag-anak sa loob ng isang buwan ay ituturing na kawalan ng intensyong bawiin ang bata.

Sa ganitong sitwasyon, mapipilitan ang ahensya na magsagawa ng mga legal at nararapat na hakbang upang mabigyan ang sanggol ng isang permanente at mapagmahal na pamilya, alinsunod sa umiiral na mga batas.

Patuloy ang paalala ng DSWD sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad upang masiguro ang kapakanan ng mga batang nangangailangan ng kalinga at proteksyon.

—————————————

‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.

‎#985ifmcauayan
‎#idol
‎#numberone
‎#ifmnewscauayan

 

Facebook Comments