Saturday, April 4, 2026

𝗗𝗨𝗠𝗣 𝗧𝗥𝗨𝗖𝗞, 𝗪𝗔𝗦𝗔𝗞 𝗠𝗔𝗧𝗔𝗣𝗢𝗦 𝗕𝗨𝗠𝗔𝗡𝗚𝗚𝗔 𝗦𝗔 𝗕𝗔𝗥𝗥𝗜𝗘𝗥 𝗡𝗚 𝗧𝗨𝗟𝗔𝗬 𝗦𝗔 𝗕𝗥𝗚𝗬. 𝗔𝗟𝗜𝗡𝗔𝗠

Cauayan City – Maswerteng nakaligtas at hindi nagtamo ng malalang injury ang isang truck driver matapos na sumalpok sa barrier ng tulay sa Brgy. Alinam, Cauayan City, ang minamaneho nitong dumptruck kahapon, ika-3 ng Marso.

Sa nakuhang impormasyon ng IFM News Team, ang truck ay minamaneho ni “Bert”, 33-anyos, mula sa Alicia, Isabela.

Bago mangyari ang insidente, galing umano sa San Mariano, Isabela ang truck at patungo sana sa bayan ng Echague upang magkarga ng tubo.

Gayunpaman, pagdating sa pinangyarihan ng insidente, bigla umanong hindi nakontrol ni “Bert” ang manibela dahilan upang salpukin nito ang side barrier ng nabanggit na tulay.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga, nawasak ang harapang bahagi ng truck, natanggal ang gulong sa harapan nito, at nabutas ang tangke ng krudo nito dahilan upang Ito’y tumagas. Mabuti na lamang at hindi tuluyang nahulog sa tulay ang dumptruck dahilan upang maiwasan ang mas malalang insidente.

Samantala, kaagad namang rumesponde sa lugar ang maintenance team ng Department of Public Works and Highways upang manduhan ang daloy ng trapiko at tabunan ng lupa ang tumagas na krudo.

Maliban sa pinsala sa truck at side barrier ng tulay, wala ng ibang nadamay pa sa nangyaring insidente.

————————————–

‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.

‎#985ifmcauayan
‎#idol
‎#numberone
‎#ifmnewscauayan

Facebook Comments