
Cauayan City – Isinagawa ang Food Redemption Activity para sa mga benepisyaryo ng Walang Gutom Program sa lungsod ng Cauayan sa pangunguna ni Rex Gatchalian, kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Binigyang-diin ni Gatchalian na ang mga produktong pagkain na ipinamamahagi sa ilalim ng programa ay direktang nagmumula sa mga lokal na magsasaka at maliliit na kooperatiba.
Aniya, layunin nitong hindi lamang tugunan ang pangangailangan sa pagkain ng mga benepisyaryo kundi palakasin din ang lokal na agrikultura at kabuhayan.
Ayon sa DSWD, target ng pamahalaan na maabot ang nasa 750,000 pamilya sa buong bansa ngayong taon na makatatanggap ng buwanang tulong sa pagkain.
Kalakip nito ang pagbibigay ng karagdagang kapital at tulong pinansyal upang matulungan ang mga benepisyaryo na makapagsimula at mapalago ang kanilang kabuhayan.
Ipinakilala rin sa aktibidad ang paggamit ng electronic benefit transfer (EBT) cards na layong gawing mas mabilis, maayos, at transparent ang distribusyon ng tulong sa mga kwalipikadong pamilya.
Ang naturang inisyatiba ay bahagi ng mas pinalakas na “anti-hunger” campaign ng pamahalaan, alinsunod sa direktiba ni President Bongbong Marcos Jr., na maglatag ng pangmatagalang solusyon laban sa kahirapan at kagutuman sa bansa.










