
CAUAYAN CITY- Tuluyan nang naaresto ang isang high-value target na matagal nang pinaghahanap ng batas matapos ang isinagawang malawakang operasyon sa Brgy. Cabaruan, Cauayan City, Isabela noong ika-9 ng Abril.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Christopher,” na gumagamit din ng mga alyas na “Mao Palman,” “Mao,” at “Alvin Ampaso,” 42 taong gulang at residente ng nasabing lungsod.
Si alyas “Mao” ay kabilang sa mga sa Top 3 Most Wanted Person sa Bacolod City at Top 8 Most Wanted Person sa Lanao del Norte dahil sa kasong murder.
Bandang alas-2 ng hapon nang isagawa ang nasabing operasyon sa bisa ng warrant of arrest na inilabas noong Abril 6, 2026 ng Regional Trial Court Branch 6 sa Iligan City at walang inirekomendang piyansa.
Batay sa ulat ng pulisya, ang suspek ay may kaugnayan umano sa isang grupo na sangkot sa mga insidente ng karahasan at banta sa pambansang seguridad, kabilang ang ugnayan sa Maute group.
Pinangunahan ng Cauayan Component City Police Station ang operasyon katuwang ang iba’t ibang yunit ng kapulisan mula sa iba’t ibang rehiyon, na nagresulta sa pagkakaaresto sa naturang suspek matapos ang pinaigting na intelligence-driven manhunt operations.
Kasalukuyan ng nasa kustodiya ng Cauayan City PS ang nasabing suspek at inihahanda na ang kanyang turnover sa korte na naglabas ng warrant.
Patuloy naman ang panawagan ng Philippine National Police sa mamamayan na makipagtulungan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad.










