Nakapagtala ng higit 20 milyong tourist arrival ang Alaminos City mula Enero hanggang Mayo ngayong taon, paglalahad ng Tourism Office sa bayan.
Pag-amin ng lokal na pamahalaan, kahit isa ang lalawigan sa mga nangungunang lugar sa Pilipinas na nakapagtala ng matataas na heat indices ay hindi mapagkakailang patuloy ang pagdagsa ng mga turista dito.
Kaugnay nito, nagpahayag ang tanggapan na target nitong maabot ang 50 milyong collection mula sa tourist destinations sa lungsod ngayong taon. Mas mataas sa collection noong nakaraang taon sa bilang na 40 million.
Bukod sa mga water sports activities at mga isla na maaaring subukan ng mga bibisita ay dapat din umanong pakaabangan ang paparating na cruise ship sa lungsod sa buwan ng Oktubre ngayong taon maging sa mga buwan ng Pebrero at Marso sa 2025.
Samantala, siniguro naman ng Alaminos City Tourism Office na bagaman bahagyang tumaas ang singil sa mga water boats ay hindi ito nalalayo sa presyuhan noong bago ang pandemya.
Ang patuloy na pagdagsa ng mga turista sa lungsod at iba pang pasyalan sa Western Pangasinan ay sumasalamin sa pagbabalik ng sigla ng turismo pagkatapos ng pandemya. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨