Cauayan City – Matapos mag-abiso sa publiko ang Department of Health hinggil sa kaso ng mga summer disease ngayong panahon ng tag-init, ilang estudyante ang nakaranas ng pagdurugo ng ilong, pagkahilo at pagsakit ng ulo sanhi ng mainit na panahon sa lungsod ng Cauayan.
Sa naging panayam ng iFM News Team, kay Ginang Venus Leizel Acoba, isang guro mula sa Minante 2 Elementary School, ilan sa mga estudyanteng nag-eensayo ang nakaranas ng pagsakit ng ulo, pagkahilo at pagdurugo ng ilong dahil na rin sa tindi at init ng panahon.
Samantala, kaagad namang binigyan ng lunas ng mga guro ang mga estudyanteng nakaranas ng pagkahilo at pagdurugo ng ilong upang masiguro ang kaligtasan ng mga mag-aaral habang nag-eensayo.
Base sa ulat, ang pagdurugo ng ilong ay karanasang nararanasan tuwing mainit ang panahon dahil sa pagtaas ng blood pressure.
Ayon kay DOH Officer-in-Charge Assistant Secretary and Deputy Spokesperson Albert Domingo, maaaring magsimula ang bleeding dahil sa mainit na panahon, at nangyayari ito tuwing may maliit na ugat ng dugo ang naiirita sa ating nasal mucosa o ang pinakalinya ng ating ilong.
Samantala, nagbigay ng paalala ang ahensya kung sakali mang makaranas ng pagdurugo ng ilong magtungo lamang sa malamig at malilim na lugar, at lagyan ng malinis na gasa o tela ang ilong upang mapigilan ang pagdaloy ng dugo.
Hinimok rin ni Domingo ang mga guro na iayon ang mga aktibidad sa paaralan sa naaangkop na iskedyul.
Iwasan rin umano ang paglabas sa mga oras na mataas ang sikat ng araw mula 10 AM hanggang 4 PM.
Mas mainam din aniya na ugaliing magsuot ng mga light colors at light fabrics.