Ilang kandidato ang nag withdraw ng kandidatura sa Pangasinan para sa nalalapit na 2025 Midterm Elections ayon sa Commission on Elections Pangasinan.
Kinumpirma ito ni Pangasinan Election Supervisor Atty. Ericson Oganiza sa IFM News Dagupan. Bagamat hindi naglabas ng datos ang komisyon sinabi nito na mangilan-ngilan umano ang umatras bago ang opisyal na pangangampanya.
Hindi rin matukoy ang totoong dahilan ng pag-atras ng mga ito. Samantala, mayroon umanong isang security agency sa lalawigan ang nagpasa ng application sa COMELEC Main Office upang maging opisyal na pinagmumulan ng security detail ng mga kandidato.
Nilinaw ng opisyal na kinakailangan pang dumaan sa regulasyon ng COMELEC Main Office ang pag-apruba ng security detail tulad ng assessment sa posibleng banta sa buhay ng isang kandidato.
Kaugnay nito, hinimok ng opisyal ang publiko na makiisa sa isasagawang ACM Roadshow upang maging maayos ang proseso ng pagboto sa susunod na taon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨