Pumwesto na ang ilang mga nagbebenta ng paputok sa bayan ng Calasiao.
Sa naging panayam ng IFM Dagupan kay FO2 Bestmart Eslava, Acting Public Information Officer ng BFP Calasiao na pormal na ngang nagsimulang pumuwesto ang mga nagbebenta ng paputok sa bahagi ng harap ng Municipal Plaza simula kahapon, araw ng Biyernes at magtatapos ang mga ito sa pagbebenta sa Enero 1, 2024.
Ayon pa sa kanya, nagsimula na rin silang mag-isyu ng Fire Safety Clearance Permit sa mga ito dahil nakumpleto na ang iba’t ibang mga permit mula sa Barangay, DTI, Mayor’s Permit, Camp Crame, PNP at marami pang iba.
Dagdag pa nito na, patuloy pa rin sa pagkuha ng permit ang ilang mga nagbebenta kung saan inaasahang hindi na lalampas ng sampung seller ng paputok ang pupuwesto sa lugar.
Nagpaalala naman ang opisyal sa nagbebenta ng paputok na siguruhing kumpleto ang kanilang mga papeles bago makapagbenta dahil kung nagsagawa sila ng inspeksyon at hindi kumpleto ang kanilang mga dokumento maaari silang mapatawan ng kaukulang parusa.
Samantala, nagpaalala pa ito sa mga nagbebenta na siguruhing kanilang sinusunod ang pamantayan sa pagbebenta ng mga paputok lalo’t delikado ang mga ibinibentang iligal na paputok lalong lalo na sa kalusugan maging sa mga ari-arian. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨