Pinaghahandaan na ng ilang residente ng Dagupan City ang posibleng banta ng sakit na Leptospirosis ngayong tag-ulan.
Bagamat malaki na ang tsansang hindi magkaroon ng pagbaha dahil sa mga isinagawang road at drainage elevation sa mga pangunahing kakalsadahan ay pinangangambahan pa rin umano ng ilan ang mga lugar kung saan posibleng may banta ng leptospirosis tulad sa mga palengke.
Ang ilang nagtitinda sa bahagi ng public market, lagi umanong nililinis ang mga ginagamit na bota upang maiwasan ang laging pagbabad ng mga paa sa naiipong tubig ulan.
Ang mga residente naman mula sa island barangays, sinisigurong nalilinisan ang mga bahaging madalas maipon ang tubig tuwing tag-ulan upang hindi na makontamina pa at maaaring pagmulan ng sakit.
Sa ngayon, tuloy pa rin naman ang paalala ng awtoridad ukol sa kaligtasan ng publiko ngayong opisyal nang idineklara ng PAGASA ang panahon ng tag-ulan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨