CAUAYAN CITY – Pinosasan at inaresto mula sa presidential table ang isang 40-anyos na lalaki matapos itong magsinungaling at magpakilala bilang head ng Deputy Executive Secretary for Legal Affairs ng Malacañang Palace.
Ayon sa ulat, bago ang pagkakaaresto ay naimbitahan ang nasabing suspek bilang guest speaker sa 1st Gaddang congress sa Nueva Vizcaya.
Dinakip ito ng National Bureau of Investigation habang nakaupo sa presidential table kasama ang iba pang bisita.
Sinabi ni Virgilio Reganit, Agent Head ng NBI Bayombong, may koordinasyon sa kanila ang NBI Headquarters na imbestigahan ang suspek alinsunod sa kahilingan ng palasyo dahil sa pagpapanggap nito.
Napag-alamang, residente ng Luyang, Bayombong sa nasabing lalawigan ang suspek at nagpakilalang kawani ng Malacañang habang pinaplantasa ang plano para sa Gaddang Congress sa lalawigan.
Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa kanya.