Maaari nang makadaan ang mga light vehicles sa ginagawang diversion road sa bahagi ng Brgy. Quibaol, Lingayen ayon sa abisong inilabas ng 2nd District Office ng Department of Public Works and Highways Region 1.
Ikinatuwa ng ilang motorista ang anunsyo ng tanggapan at umaasang bahagya nang luluwag ang daloy ng trapiko sa bahagi ng Baay Road na siyang naging alternate route ng mga motorista.
Sa pakikipag-ugnayan ng IFM News Dagupan sa ilang motorista na naipit sa traffic sa Baay Road, umabot sa higit isang oras bago pa sila makalabas dito.
Matatandaan na madalas ireklamo noon ang diversion road sa barangay quibaol dahil sa naglalakihang butas na takaw-aksidente.
Positibo ang mga motorista na makatutulong ito upang lumuwag ang daloy ng trapiko sa Lingayen sa inaasahang pagdagsa ng publiko na nagsi-uwian dahil sa long weekend. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨