𝗜𝗦𝗔 𝗡𝗔 𝗡𝗔𝗠𝗔𝗡𝗚 𝗠𝗔𝗡𝗚𝗜𝗡𝗚𝗜𝗦𝗗𝗔 𝗦𝗔𝗣𝗔𝗡𝗚𝗔𝗦𝗜𝗡𝗔𝗡, 𝗠𝗔𝗧𝗔𝗚𝗨𝗠𝗣𝗔𝗬 𝗡𝗔 𝗡𝗔𝗥𝗘𝗦𝗖𝗨𝗘 𝗠𝗔𝗧𝗔𝗣𝗢𝗦 𝗠𝗔𝗣𝗔𝗨𝗟𝗔𝗧 𝗡𝗔 𝗡𝗔𝗪𝗔𝗪𝗔𝗟𝗔; 𝗞𝗔𝗦𝗔𝗠𝗔 𝗡𝗜𝗧𝗢𝗡𝗚𝗠𝗔𝗡𝗚𝗜𝗡𝗚𝗜𝗦𝗗𝗔, 𝗣𝗔𝗧𝗨𝗟𝗢𝗬 𝗣𝗔 𝗥𝗜𝗡𝗚 𝗣𝗜𝗡𝗔𝗚𝗛𝗔𝗛𝗔𝗡𝗔𝗣 𝗡𝗚 𝗔𝗪𝗧𝗢𝗥𝗜𝗗𝗔𝗗

Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) Pangasinan ang isa na namang Pangasinenseng mangingisda na napaulat na nawawala sa karagatan ng Agno, Pangasinan.
Sa naging panayam ng IFM Dagupan kay PCG station head Commander Alexander Corpuz, natanggap ng PCG ang report noong ika-17 Nobyembre 2023 nang ipagbigay alam ni Michelle Ollero anak ng biktimang si Antonio Ollero, isang mangingisdang residente mula bayan ng Bani na nawawala ang kanyang tatay habang nangingisda.
Agad nagsagawa ng koordinasyon ang PCG Pangasinan sa Agno Police Station at Agno MDRRMO para isagawa ang Search and Rescue Operations sa biktima.

Araw ng Sabado ika-18 ng Nobyembre nang makatanggap ang anak ng biktima ng isang tawag mula sa kanyang tatay na naligtas na siya ng mga crew ng isang foreign Motor Vessel na DERYOUNG SPACE Hong Kong Registered Vessel kung saan pawang mga Filipino ang crew nito.
Ayon pa kay Corpuz, dahil sa sama ng panahon at lakas ng alon ang naging dahilan ng pagkawala nito kung saan hindi na aniya narating ang pupuntahan nitong 16 nautical miles at tanging narating lamang nito ay 7 nautical miles.
Nasagip ang biktima sa bahagi ng Kanluran ng Agno, Pangasinan nang dumating ang nasabing foreign vessel.
Matagumpay nang nasundo si Antonio ng kanyang pamilya sa Cawag Front Port, Subic sa Zambales.
Nakatakda namang parangalan ang mga nakasagip sa biktima.
Patuloy pa ang isinasagawang Search and rescue Operations sa isa pang mangingisda na kasabay nito na nawawala pa rin. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨
Facebook Comments