
Cauayan City – Tinalakay ng mga miyembro ng Cagayan Valley Regional Peace and Order Council (CV-RPOC) ang planong pagtatatag ng Justice Zone sa Tuguegarao City na tututok sa mga kasong may kinalaman sa mga menor de edad at gender-based crimes.
Ipinaliwanag ni Office of the Regional Court Manager (ORCM) Atty. Norman Lasam na ang Justice Zone ay itinatatag sa isang tiyak na lugar at nakatuon sa partikular na uri ng mga kaso. Dahil dito, iminungkahi niyang gawing pilot area ang Tuguegarao City na sasaklaw sa mga piling kaso.
Ayon kay Atty. Lasam, nagsimula na ang kanilang tanggapan sa pangangalap ng datos hinggil sa mga laganap na kaso sa lungsod upang makapaghain ng pormal na kahilingan sa Korte Suprema para sa pagtatatag ng Justice Zone.
Nagpakita naman ng positibong tugon si Tuguegarao City Mayor Maila Rosario Ting-Que at ang iba pang miyembro ng komite, at una nilang inirekomenda ang juvenile at drug-related crimes bilang saklaw ng Justice Zone.
Batay sa mga inilahad na datos, nangunguna ang estafa bilang pinakamaraming kaso sa lungsod, sinundan ng drug-related crimes at gender-based crimes.
Gayunman, binigyang-diin ng alkalde na sa maraming kaso tulad ng paglabag sa trapiko, pagnanakaw, sexual harassment at rape, kadalasang sangkot ang mga menor de edad, dahilan upang irekomenda na ituon ang Justice Zone sa juvenile at gender-based crimes.
Sa huli, napagkasunduan ng mga kasapi ng komite na ang juvenile at gender-based crimes ang opisyal na imumungkahing saklaw ng Justice Zone sa Tuguegarao City.
Magkakaroon pa ng hiwalay na pagpupulong ang Department of Justice Region 02 kasama ang Office of the City Mayor at Office of the Regional Court Manager na siyang makikipag-ugnayan sa Korte Suprema para sa mga napiling paksa ng iminungkahing Justice Zone.
Source and Photo Courtesy: CPIO
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










