Nakatakdang magbigay-kaalaman ang Department of Information and Communication Technology Region 1 sa mga lokal na pamahalaan ng Pangasinan patungkol sa paggamit ng Electronic Local Government Unit System.
Kasabay ng selebrasyon ng ICT month ngayong taon, napapaloob ito sa temang “Bayang Digital ang Bagong Pilipinas” kung saan saklaw ang digitalization sa larangan ng commerce, industries, lifestyle, public service at governance para sa makabagong kinabukasan.
Ayon kay DICT Region 1 Officer-in-Charge June Gaudan, layunin ng training na lubos maintindihan ng mga empleyado ng gobyerno kung paano paganahin at mapanatili ang one-stop application na eLGU.
Nakapaloob sa eLGU app ang business permit licensing, business tax, community tax, health certificates, local civil registry, notification system, notice of violations, at real property tax.
Dagdag ni Gaudan, sinisiguro ng tanggapan na sapat ang kaalaman ng mga LGU sa application bago maganap ang rollout nito sa publiko. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨