Cauayan City – Sa nalalapit na pagtatapos ng taong 2024, mas pinaiigting pa ng kapulisan sa buong Lambak ng Cagayan ang kanilang kampanya kontra ilegal na mga aktibidad.
Sa pinakahuling ulat ng Police Regional Office 2, ibinahagi nila ang datos at resulta ng maigting na pagpapatupad ng batas at programa mula December 5 hanggang December 11.
Sa kampanya kontra ilegal na droga, umabot sa 58.54 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P389, 072.00 at 816.1 gramo na nagkakahalaga ng P103, 586.00 ang kanilang nasamsam.
Sa pagpapaigting ng kampanya sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Act, 9 na indibidwal ang naaresto habang umabot sa 74 na mga armas at 5 mga pasabog ang narekober.
18 indibidwal naman ang nadakip matapos na lumabag sa batas kontra ilegal logging kung saan nasa 7,635 board feet ng iba’t-ibang uri ng kahoy ang nakumpiska na nagkakahalaga ng P352, 536.25.
Sa mga 7 bilang ikinasang operasyon kontra ilegal na pagsusugal, 32 indibidwal naman ang naaresto, habang sa ang mas pinaigting na kampanya kontra terorismo at insurhensiya ay nagresulta sa pagkakadakip ng 5 komunista at 9 na tagasuporta ng armadong grupo.
Samantala, makakaasa ang publiko na ang hanay ng kapulisan sa Lambak ng Cagayan ay patuloy na maghahatid serbisyo upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong Rehiyon Dos.