
Cauayan City – Patuloy na tututukan ng pamunuan ng Brgy. Maligaya, Cauayan City ang pagbibigay ng access sa malinis at ligtas na tubig para sa mga residente.
Sa panayam ng IFM News Team kay Rowena Agpaoa, kagawad sa nabanggit na barangay, malaking tulong para sa mga residente ang pagkakaroon ng malinis at ligtas na mapagkukunan ng tubig.
Aniya, nakapagpatayo na ang barangay ng isang potable water system. Bago ito, kumukuha ang mga residente ng tubig mula sa mga deep well, na kadalasang hindi accessible sa lahat.
Bukod sa potable water system, nakapagtayo na rin ang barangay ng poso sa malalayong bahagi, tulad ng Sitio sa Purok 7, dahil hindi pa umaabot sa mga kabahayan doon ang linya ng tubig.
Ayon kay Kagawad Agpaoa, target nilang magdagdag pa ng isang potable water system sa Purok 5 at 6 upang tuluyan na matustusan ang pangangailangan ng mga residente sa malinis at ligtas na tubig.
Ayon sa mga residente na nakakagamit na ng katulad na proyekto, mas malaki ang natipid nila sa bayad sa tubig. Kung dati ay umaabot sa libong piso bawat buwan ang kanilang nagagastos, ngayon ay nasa P200 na lamang.
——————————————
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










